Tuesday, May 12, 2009

JOLOGS

Huwaw, ipapalabas na ang episode ng Oprah kung saan ififeature si Charice Pempengco! Kapamilya vs. Kapuso fever! Sayaw tayo sa saliw ng "Sayaw, Darling" ni Willie Revillame! At habang nanonood tayo ng Deal or No Deal, Wheel of Fortune, Wowowee, or The Singing Bee, 'wag nating kalimutan ang mga trademark moves na sabay na ginagawa sa pagsambit ng show titles tuwing commercial break!

Hayyy. Bakit ang jologs nating mga Pinoy?

Karamihan sa atin ay tuwang-tuwa sa mga nakikita natin sa TV at sa paligid sa puntong naiimpluwensiyahan tayo. Halika't sariwain natin ang kajologan ng Pinoy culture.

Nandiyan na ang mga makabagbag-damdaming awitin nina Jessa Zaragoza, April Boy Regino, Renz Verano, Claire dela Fuente ('wag kayo, international singer na [daw] sia ngayon), at Eva Eugenio. Nanginginig pa rin ang kalamnan ko sa hiya 'pag naiisip ko ang pagmuwestra ni April boy ng kanyang mga kamay sa pagkanta ng "'Di Ko Kayang Tanggapin." Ewan ko lang kung hindi mo alam 'yan.

Kumusta naman ang mga trademark na sayaw gaya ng Papaya, Sayaw Darling, Iyugyog Mo, Otso-otso, Siyete-Siyete, at Spaghetti? Kung ni minsan ay hindi mo pa nagawang sumayaw nang kahit iisa man lang sa mga trademark na sayaw ng Pilipinas, aba'y mag-impake ka na at maghanap ng ibang bansa dahil hindi ka ganap na Pinoy.

Biro lang.

Bakit panay senti ang mga kantang paborito natin? Napansin ko na sa tuwing nagkakaraoke ang mga Pinoy, 90% ng mga kanta na pinipili ay madrama, malungkot, o mabagal. Affected na affected tayo sa mga heartbreak songs at agad na nagiging favorite natin kahit hindi naman talaga tayo nakakarelate.

Bukod pa jan, likas ata tayong "emo". Maghalughog ka ng mga shout-outs sa Friendster kung hindi lumuwa ang mata mo sa dami ng mga linyang saksakan ng kakornihan. Nakakatuwang basahin ang mga shout-outs ng mga menor de edad na ubod ng senti. Akala mo naman nakaranas na sila ng tunay na pag-ibig.

Sa tuwing napapansin ang galing ng mga Pinoy abroad, nag-uusok ang mga tumbong natin. Hindi ba't kasama ka sa mga naexcite nang malaman mong maggeguest si Charice Pempengco sa Ellen? Manood ka nalang ng TV para makita mo kung ilang beses nang na-feature si Charice sa TV Patrol. Nariyan din ang balita ng pagsikat ng Papaya sa ibang bansa, ang pagkakasama ni Ramiele Malubay sa Top 12 ng American Idol, ang pagpansin ng Journey sa talento ni Arnel Pineda, at ang kakaputok lang na balitang pagsali ni Madonna Decena sa Britain's Got Talent. Kung gusto mong matikman ang kajologan ng mga Pilipino, bumisita ka sa YouTube at manood ng mga videos ng mga nabanggit ko. Mapapansin mo sa mga comments, karamihan ay mga Pilipino. "Proud to be Pinoy!" ang karamihang sambit nila.

Bakit?

Bakit kapag may video ng isang singer mula sa Amerika, karamihan ay hindi naman nagsasabing sila'y "Proud to be American"? Bakit idinurugtong natin ang kapasidad o talento ng isang Pinoy sa pagiging Pilipino niya? "Ang galing talaga ng mga Pinoy!" ika pa nila. Sa kabilang banda, bakit kapag may isang singer, artista, o tao tayong hindi gusto, hindi na natin nakikita ang galing niya at babanatan agad natin ng masasakit na salita? Bakit ang laking bagay sa'tin ng "star appeal" sa TV sa puntong nawawalan ng kwenta ang talento ng isang tao dahil hindi kaaya-aya ang kanyang itsura?

Hindi ba tayo naawa kay Janina San Miguel nang ipahiya natin siya sa buong mundo dahil sa makamandag niyang English? Anong problema sa sinabi niyang hindi nia akalaing masasali sia sa tuff ten? It was a tuff choice for her, y'know. Ang kagandahan pa niyan, magbasa ka ng mga comments ng mga Pinoy sa Youtube videos niya at biglang nag-iingles na lahat. Karamihan pa, wrong grammar. Hindi ba mas nakakahiya 'yung ganon?

At higit sa lahat, bakit tuwang-tuwa tayo sa network war ng ABS-CBN at GMA? Sa tuwing may bagong nagagawa ang isang istasyon, pihadong magkakalat na ang mga panatiko ng kabila. Matapos niyan, isang napakalaking giyera ang magsisimula. Ano ba ang pinakain sa'tin ng dalawang istasyon na'to para magpakajologs tayo para sa kanila?

Pati na nga sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay, kakaiba pa rin tayo eh. Karamihan sa'tin eh pauulanan pa ng pagmura at pagsisi yung namatay bago pa natin sabihing mahal natin sila at hindi natin sila makakalimutan. Kawawang bangkay.

Bakit sa TV, pag pinapabati ang isa sa mga audience members ay parang lulunukin na nila ang microphone sa excitement at isisigaw nila ang bati nila? May mic naman diba? Hindi ba't yun ang silbi ng microphone?

Natatawa talaga ako sa kultura natin. Masayahin tayo--jologs kung jologs. Bukod sa pagiging masayahin natin, senti rin tayo, salamat sa naglipanang mga kanta nina Sarah Geronimo, Nina, Regine Velasquez, Gary Valenciano, at iba pa.

Napakaraming sakit ng lipunan natin. Hindi na ata maiiwasan ang crab mentality, ang hilig natin sa mais (pagiging corny... hehe. Diba ang gandang example?), graft and corruption (Amen sa mga pulitiko sa'tin at ang kanilang pork barrel. Bakit nga ba pork?), at ang mga iba't-iba nating hilig. Ang tigas-tigas ng ulo ng mga Pinoy sa puntong kailangang gumamit ni Bayani Fernando at ng MMDA ng basang tela para paalisin ang mga pasaway na naglalakad sa kalsada. Bukod pa diyan, napakaraming mga nagbebenta ng kung anu-ano sa tabi ng kalye pati na rin sa daan (Yosi kayo jan!). Kung susumahin mo, napakarami ring mga bagay na nakakahiya sa lipunan natin.

Ngunit sa kabila ng lahat, mapagmahal tayo lalo sa pamilya. Napakaraming Pilipino ang gugustuhing lumayo sa kanilang pamilya para makapaghanap ng trabaho sa ibang bansa. Nasisikmura nilang malayo sa kanilang mga mahal sa buhay para mabigyan ang mga ito ng magandang kinabukasan. Sa likod ng hirap ng buhay, nagagawa pa rin nating ngumiti, tumawa, at gawin lahat ng mga kajologan natin. Sa'n ka makakakita ng mga taong gumagapang na sa hirap, maiyak-iyak na sumasali sa Wowowee, pero nagagawa pa ring kumanta at sumayaw? Sa aspetong ito, saludo ako sa mga Pilipino.

Mas pipiliin kong maturingang jologs ang kultura ko basta't hindi mawawala ang mga positibong aspeto nito. Bahala nang matuwa tayo sa mga kajologan natin o magdusa sa napakaraming sakit ng ating lipunan, basta't hindi maitatangging sa likod ng tawanan at kakornihan: Basta drayber, sweet laber. Bawal umihi dito.

Bakit ang labo nung ending?

2 comments:

  1. cool..well-substantiated post arch..
    -edward...

    ReplyDelete
  2. galeng! kahit dinaut daot mu na pero may moral pa din. great job!

    ReplyDelete